Pag-review ng Senado sa VFA, walang problema – Palasyo

PHOTO GRAB FROM PCOO’S FACEBOOK LIVE VIDEO

Walang nakikitang problema ang Palasyo ng Malakanyang kung itutuloy pa rin ng Senate committee on Foreign Relations na i-review ang Visiting Forces Agreement o VFA.

Ito ay kahit na pursigido na si Pangulong Rodrigo Duterte na ibasura ang VFA na nilagdaan ng Pilipinas at Amerika.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo, maari pa rin namang ituloy ng Senado ang pag-aaral kung karapat-dapat pa ba o hindi na ang VFA.

“They are not prohibited from reviewing any treaty for executive agreements para makabigay sila ng rekomendasyon as a body,” ani Panelo.

Hindi aniya pagsasayang ng panahon at hindi rin naman kasi aniya maaring pagbawalan ang Senado na gawin ang kanilang tungkulin na mag-imbestiga at magbigay ng rekomendasyon sa pangulo.

Tiniyak ni Panelo na pag-aaralan ni Pangulong Duterte kung anuman ang magiging rekomendasyon ng Senado.

“The President will study kung tama yung kanilang punto de vista,” dagdag nito.

Una rito, sinabi ni Senator Koko Pimentel, chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, na tuloy pa rin ang pagre-review ng kanilang hanay kahit na ipinag-utos na ng Pangulo ang pagbasura sa VFA.

Hindi naman direktang sinagot ni Panelo kung maapektuhan ang Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA sa pagitan ng Pilipinas at Amerika na nakaangkla sa VFA.

Sa ilalim ng EDCA, kinakailangan ang presensya ng amerikanong sundalo.

Read more...