Northeast Monsoon, patuloy na nakakaapekto sa Hilaga at Gitnang Luzon – PAGASA

Photo grab from DOST PAGASA’s website

Patuloy na umiiral ang Northeast Monsoon o Amihan sa bahagi ng Luzon.

Sa weather update bandang 4:00 ng hapon, sinabi ni PAGASA weather specialist Aldczar Aurelio na nakakaapekto ang Amihan sa Hilaga at Gitnang Luzon.

Asahan pa aniyang lalakas ang Amihan dahilan ng pagpapatuloy ng malamig na simoy ng hangin lalo na tuwing gabi at madaling-araw sa Luzon at Visayas.

Dagdag pa nito, patuloy pa ring mararanasan ang maulap na kalangitan na may posibleng kalat-kalat na pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera, Calabarzon at Aurora.

Maaari rin, ayon kay Aurelio, na makaranas ng mahihinang pag-ulan ang nalalabing bahagi ng Luzon.

Magiging maganda naman aniya ang panahon sa Visayas at Mindanao maliban na lamang sa tsansa ng posibleng isolated rainshowers dulot ng thunderstorm.

Samantala, tuluyan nang nalusaw ang binabantayang low pressure area (LPA) sa Mindanao.

Sinabi ni Aurelio na wala namang natututukang panibagong LPA o anumang weather disturbance sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Read more...