Hinamon ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile si Pangulong Benigno Aquino III sa isang debate upag malinawan ang isyu ng kanyang partisipasyon sa Mamasapano encounter.
Kasabay ng hamon, sinabi pa ni Enrile na posibleng makasuhan si Pangulong Aquino hinggil sa naturang pangyayari sa oras na bumaba na ito sa puwesto sa June 30.
Giit ng senador, may hawak siyang ‘audit operation report’ na sadyang hindi inilalabas ng mga otoridad na nagbigay-linaw sa mga kaganapan nang ilunsad ang ‘Oplan Exodus’ at ito aniya ay may indikasyon na ‘tampered’ o binago na.
Kung kakasuhan aniya si dating SAF Director Getulio Napeñas sa kinahantungan ng ‘Oplan Exodus’, dapat makasuhan din si Pangulong Aquino sa charge sheet.
Payo ni Enrile kay PNoy, pag-aralang mabuti ang walong punto na kanyang inilutang sa Mamasapano reinvestigation dahil dito aniya iikot ang mga kasong kanyang kakaharapin sa oras na matapos na ang termino nito bilang pangulo.
Gayunman, hindi kinagat ng Malacañang ang hamon ni Enrile sa isang debate.
Giit ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., mas makabubuting ituon na lamang ng publiko ang atensyon sa pagpapatuloy ng naumpisahang reporma ng Aquino administration.
Nabigyan na aniya ng pagkakataon si Senador Enrile na maiharap ang kanyang panig sa isyu nang muling buksan ang Mamasapano investigation.