Mayor, vice mayor ng Sultan Sa Barongis ipinaaresto sa kasong murder

 

Mula sa Google Maps

Pinaaresto na ng korte ang alkalde at ang kapatid nitong bise alkalde ng bayan ng Sultan Sa Barongis, dahil sa kasong pagpatay.

Maging ang mga kapatid na babae nina incumbent mayor Ramdatu Angas, Vice Mayor, Allandatu Angas ay pinadadakip na rin ng Branch 13, ng Cotabato City Regional Trial Court batay sa reklamo ng isang Sukarno Badal.

Si Badal ay testigo rin sa Maguindanao Massacre case at tumatakbong bise-alkalde ng naturang lugar.

Batay sa reklamo, ang dalawang opisyal at maging ang kanilang mga kapatid ay sangkot sa pagpatay umano sa isang Salim Ibrahim noong April 23, 2012.

Gayunman, naniniwala ang pamilya Angas na ‘politically motivated’ lamang ang kaso at pagtatangka lamang ito na alisin sila sa puwesto bago ang eleksyon.

Naniniwala ang angkan na isang ‘harassment’ lamang ang puno’t-dulo ng reklamo dahil malapit na ang halalan.

Nangangamba rin ang mga ito na susunod na ring ipaaresto ang iba pa nilang miyembro ng pamilya na nakaupo sa puwesto upang wala nang makalaban sa puwesto ang mga nagrereklamo.

Agad namang naghain ng motion to quash arrest warrant sa korte ang panig ng mga respondent sa kaso.

Read more...