Base sa walong pahinang cease and desist order na ipinalabas ng NPC na sinulat ni Deputy Privacy Commissioner John Du-Naga, ipinag-utos nito na ihinto ng Grab PH ang kanilang ginagawang passenger selfie verification, in-vehicle audio recording at in-vehicle video recording.
Nakasaad sa kautusan na may nadiskubreng deficiencies ang NPC sa ginagawa ng Grab na maaring maglagay sa panganib sa privacy rights ng mga sumasakay dito.
Sa ginawang pagdinig sinabi ng Grab na ang passenger selfie verification ay isang proseso upang ma-identify ang kanilang pasahero na maari ding magamit na ebidenysa sa mga reklamo at tatagal ito sa kanilang system sa loob ng pitong taon.
Ang In-vehicle audio recording naman ay ginagamit upang maidokumento ang usapan ng driver at pasahero habang nasa byahe na mananatili sa system ng Grab sa loob ng pitong araw.
Ang In-vehicle video recording naman ay isang proseso upang maidokumento ang experience ng pasahero at driver habang nasa byahe.
Sa nabanggit ang passenger selfie verification ay matagal ng ginagawa ng Grab habang nasa pilot test naman sa in-vehicle audio at video recording.
Igiiniit ng Grab na ginagawa nila ito para sa kaligtasan ang driver at pasahero.
Napatunayan sa pagdinig ng NPC na ang tatlong data processing system ng Grab ay walang risk assesasment at mitigation, kulang ang Privacy Impact Assessment at privacy notice at ang layunin ng data processing ay hindi malinaw.
Sinabi pa ng NPC na bagama´t ang pangunahing pinangangalagaan ng komisyon ay ang kaligtasan ng driver at pasahero iginiit nito na hindi dapat ipagsawalang-bahala ang privacy ng mga pasahero ng Grab.
Kailangan anilang nakasaad ng malinaw ang layunin ng data processing, matiyak na secured ang pagpapasa ng mga data at ang mga panganib ay alam at kung paano ito matutugunan.
Sabi pa ng NPC ang kawalan ng nasabing mga safeguards, ang pagpapahalaga sa privacy rights ang laging mananaig.