Mga unibersidad at kolehiyo sa Maynila nakaalerto na rin laban sa nCoV

Nakaalerto na ang iba’t ibang mga unibersidad sa lungsod ng Maynila sa gitna ng banta ng 2019 Novel Coronavirus Acute Respiratory Disease o nCoV ARD.

Ang De La Salle University, nag-abiso na sa mga Lasallian na asahan na ang mahabang pila sa mga gate dahil sa mahigpit na medical checks na isasagawa.

Ang mga estudyante o faculty members ng DLSU na galing sa mga lugar na may mga kaso ng n-CoV ARD, hinihimok na magpasuri sa mga doktor.

Sa health advisory naman ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila o PLM, pinapayuhan ang kanilang mga estudyante na alamin ang mga impormasyon ukol sa virus.

Noong nakalipas na linggo, sinimulan na ng PLM ang pagsuri sa temperatura sa mga mag-aaral, faculty at kahit mga bisita na pumapasok sa kanilang compound.

Sa inilabas namang abiso ng Philippine Women University o PWU, ang mga estudyante at empleyado na may lagnat ay kailangang magsuot ng face mask, at eeskoran sa medical clinic para sa evaluation and management.

Bukod dito, ang mga may sintomas ay pauuwiin at kailangang magpasuri upang makakuha ng medical certificate para sa clearance, bago muling pumasok.

Ang pamunuan ng Mapua University, pinapayuhan ang lahat sa kanilang komunidad na mag-ingat at magkaroon ng precautionary measure laban sa nCoV ARD.

Paalala naman ng administrasyon ng University of the East, Far Eastern University, San Beda College at Centro Escolar University na pawang nasa U-Belt, magsuot ng face mask, maging mapagmatyag at maging maingat sa kanilang kalusugan sa pamamagitan ng proper hygiene.

At ang University of Santo Tomas o UST, naglabas din ng Health Service advisory sabay payo sa mga Thomasian na palagiang mag-ingat at alalahanin ang kalusugan.

Read more...