Target completion date ng Skyway Stage 3 maaantala dahil sa nasirang bahagi sanhi ng sunog sa Pandacan, Manila

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Department of Public Works and Highways o DPWH at Bureau of Fire Protection o BFP hinggil sa bumigay na parte ng proyektong Skyway Stage 3.

Ito ay makaraang madamay ang bahagi ng Skyway sa malaking sunog sa plastic warehouse ng San Miguel Corporation sa Pandacan, Maynila noong Sabado.

Araw ng linggo nagsagawa na ng inspeksyon ang mga fire investigator ng BFP sa lugar. Kitang-kita na lumundo na ang gumuhong bahagi ng Skyway at nangitim na dahil sa sunog.

Ayon kay DPWH Sec. Mark Villar, nagpapatuloy pa rin ang assessment sa gumuhong bahagi ng proyekto, kaya wala pa siyang maibibigay na tantsa sa halaga ng pinsala.

Dapat ay matatapos na ang proyekto sa Abril o Mayo ngayong taon, pero dahil sa nangyari ay madedelay ito, ayon sa kalihim.

Sa kabila nito, tiniyak ni Villar na sa lalong madaling panahon ay sisimulan ang repair sa Skyway, partikular ang nasirang parte na tinatayang nasa 300 meters.

Hindi rin daw bubuksan ang Skyway kung hindi isang daang porsyentong sigurado na ligtas ito.

Ang Skyway Stage 3 project ay target na magpapagaan sa biyahe ng mga motorista, dahil ito ay magkokonekta sa South Luzon at North Luzon expressways.

Read more...