Mga tindahan ng facemask binabantayan ng mga tauhan ng Manila City Hall

Nag-ikot ang mga tauhan ng lokal na pamahalaan ng Maynila para imonitor ang presyo ng mga facemask at N95 mask.

Partikular na inikutan ng mga taga-Bureau of permits ang bahagi ng Rizal avenue mula Remegio hanggang Bambang streets.

Isa-isang pinasok ng mga ito ang lahat ng tindahan ng mga medical supplies at napag-alaman nila na wala pa naman nagtataas ng presyo ng mga facemask.

Halos pare-pareho din ang presyo ng mga ibinebentang facemask kung saan pumapalo ng P50. 00 hanggang P60.00 kada isang box na may 50 piraso.

Nasa P50.00 naman ang halaga ng kada piraso ng isang N95 mask pero halos lahat ay naubusan na ng stock.

Ang iba sa mga tindahan ay dinadagsa ng mga mamimili pero nauubusan din sila ng stocks dahil karamihan ay bumibili ng bulto-bulto.

Nabatid na ang naturang hakbang ng mga tauhan ng lokal na pamahalaan ng Maynila ay bunsod na rin ng babala ni Mayor Isko Moreno na kakanselahin ang permit at kakasuhan ang mga nananamantala ng pagbebenta ng facemask sa kanilang lungsod.

Read more...