Temporary travel ban sa mga galing Hubei Province kinumpirma ng Malakanyang

PHOTO GRAB FROM PCOO’S FACEBOOK LIVE VIDEO
Kinumpirma ng Palasyo ng Malakanyang na ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang temporary travel ban ng mga Chinese national mula sa Hubei province, China.

Sa Wuhan City na sentro ng Hubei nagsimula ang 2019-novel coronavirus.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na nagbaba na ng direktiba ang pangulo ukol dito matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH) na positibo sa virus ang isang 38-anyos na babaeng Chinese.

Inilabas din aniya ang travel ban kasunod ng rekomendasyon ng DOH.

“Upon the recommendation of DOH Secretary Francisco Duque , the President has issued a travel ban to Chinese nationals coming from the Hubei province of China where the nCoV originated, as well in other places in China where there is a spread of the disease,” ayon kay Panelo.

Tatagal aniya ang travel ban hangga’t hindi pa natitiyak ang kaligtasan ng mga Filipino mula sa nasabing sakit.

“It will last until the threat is over given that that the safety of our countrymen is foremost in the President’s mind,” dagdag pa nito.

Umapela naman si Panelo sa publiko na sundin ang payo ng DOH na magsagawa ang proper hygiene bilang preventive measure tulad ng madalas na paghuhugas ng kamay at pagsusuot ng face mask kapag nasa mataong lugar.

Read more...