Pangunahing entry points sa bansa babantayan ng PNP vs 2019 nCoV

INQUIRER FILE PHOTO
Tututukan ng Philippine National Police (PNP) ang mga major entry point sa bansa.

Ito ay kasunod ng kumpirmasyon ng Department of Health (DOH) sa unang kaso ng 2019-novel coronavirus sa bansa.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ng PNP na ito ang gagawin nilang aksyon para tumulong sa DOH upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Naglunsad na ang PNP Health Service ng direct line of communication sa DOH para sa agarang implementasyon ng public health measures.

Nakaantabay na rin ang PNP Maritime Group at PNP Aviation Security Group sakaling mangailangan ang DOH ng police assistance.

Tiniyak din ng pambansang pulisya na nakahanda ang kanilang local police units oras na maglabas ang DOH ng notice sa paghahanap ng mga apektadong tao na posibleng isalang sa quarantine protocol.

Hinikayat naman ni PNP chief General Archie Gamboa ang publiko na manatiling kalmado.

Siginuro nito sa publiko na mananatili namang nakaalerto ang PNP para matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.

Read more...