“No Face Mask No Entry” policy mahigpit nang ipinatutupad sa San Lazaro Hospital sa Maynila

Ipinatutupad na ngayon sa San Lazaro Hospital ang “No Face Mask, No Entry” policy.

Ito ay kasunod ng anunsyo ng Department of Health (DOH) na nasa San Lazaro Hospital ang 38-anyos na babaeng Chinese na kauna-unahang nagpositibo sa 2019 Novel Coronavirus sa Pilipinas.

Ang pasyente ay nasa isolation room na ng San Lazaro Hospital at nagpapagaling na, ayon sa DOH.

Ayon sa gwardyang si Danilo Pacris, may mga paskil na para sa abisong kapag walang face mask, hindi makakapasok sa ospital.

Ito aniya ang mainam na sundin ng mga bisita sa ospital, habang obligado raw ang mga empleyado at health personnel na magsuot ng face mask, kahit noon pa man.

Ang mga gwardya na nasa loob at labas ng ospital, may suot na face mask din.

Dahil dito, may nagbebenta na ng mga face mask sa bungad ng San Lazaro Hospital, gaya ni Dolly.

P7.00 kada piraso ang ordinaryong face mask, habang P10.00 ang may design.

Bukod sa pagiging tindera ng face mask, estudyante rin si Dolly ng Doña Teodora Alonzo High School.

Aniya, kahit na malapit ang paaralan nila sa San Lazaro Hospital, may pasok pa rin ang mga estudyante. Pero, pinagsusuot na lamang sila face masks.

Ang iba pang eskwelahan na malapit sa San Lazaro Hospital bukod sa Doña Teodora Alonzo High School ay ang Francisco Balagtas Elementary School.

Read more...