Naghain ng panukala si Albay Rep. Joey Salceda ukol sa pagbuo ng panibagong ahensya ng pamahalaan na tututok upang hindi kumalat, masugpo at tumugon sa mga biktima ng mga communicable o infectious disease.
Base sa House Bill 6096 ni Salceda, magkakaroon ng Center for Disease Control and Prevention (CDCP) pero nasa ilalim pa rin ng pangangasiwa ang Department of Health (DOH).
Ito ay kapareho ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na kasalukuyang tumututok sa disaster response na ang mandato naman ay para sa mga health emergency.
Ang CDCP ang siyang magpapatupad ng mga polisiya, magsasagawa ng surveillance at pag-aaral, disease control, prevention at response sa mga sakit na bigla na lamang umuusbong o mga rapid o sudden onset health hazards and emerging diseases tulad ng novel coronavirus.
Ang kasalukuyang disease prevention and control bureau, epidemiology bureau at ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ay ipapailalim naman sa CDCP.
Naglalayon ito na pagtibayin ang disease control at prevention capacity ng bansa.
Lilikha rin ng Disease Emergency Management Bureau sa ilalim ng bagong ahensya para paigtingin ang pagtugon sa mga health emergencies.
Bubuo rin ng Health Emergency Coordination Council na siyang pangunahing makikipagugnayan sa mga ahensya ng gobyerno sakaling magkaroon ng “state of health emergency”.
Palalawakin din ang quarantine powers ng Health Secretary upang matiyak na hindi malulusutan ng sakit ang bansa.
Napapanahon na rin aniya na magkaroon ng hiwalay na ahensya para sa pag-aaral at pagpigil sa mga communicable diseases upang hindi na tayo magpadala ng samples sa ibang bansa para ma-test kung positibo o hindi sa nakakahawang sakit ang isang tao.
Iginiit ni Salceda na sa ngayon ay puro research lamang ang ginagawa ng pamahalaan sa mga rapid diseases pero walang sapat na kapasidad ang bansa para mapigilan ito.