Suspensiyon ng visa upon arrival ipinagtanggol ni Justice Sec. Guevarra

Ipinagtanggol ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang pansamantalang suspensyon sa pag-iisyu ng Visa Upon Arrival o VUA sa mga turistang Chinese.

Nauna nang inanunsyo ng Bureau of Immigration o BI ang pagsuspinde sa pag-iisyu ng VUA sa mga Chinese national na bibisita sa ating bansa bilang “proactive measure” para mabawasan ang pagdagsa ng mga pasahero mula sa China na may mga kumpirmadong kaso ng 2019 Novel Coronavirus o N-CoV.

Ayon kay Guevarra, ang hakbang ng Immigration Bureau ay pagsa-alang-alang sa kalusugan at kaligtasan ng mga Pilipino.

Bagama’t nananatili na “2019 n-CoV free” ang Pilipinas, sinabi ni Guevarra na mahalagang mag-ingat at maging alerto ang publiko habang ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang hindi makapasok sa Pilipinas ang naturang virus.

Nilinaw naman ni Guevarra na makakapasok pa rin sa Pilipinas ang mga Chinese tourist, na may mga foreign visa.

Gayunman, sinabi ng kalihim na ang bawat Chinese national na darating sa Pilipinas na kailangang sumailalim sa screening at quarantine sakaling makitaan ng mga sintomas ng 2019 n-CoV.

Read more...