US, tinulungan lang ang SAF raiders, pero hindi ang blocking forces

SAF US AID
FERDINAND CABRERA/Contributor

Totoong nagbigay ng tulong ang Estados Unidos sa “Oplan Exodus” ng Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao noong nakaraang taon para sa ikadadakip ng teroristang si Zulkifli bin Hir alyas Marwan.

Sa pamamagitan ng real-time intelligence, natulungan ng US ang grupong nakatalagang pumatay kay Marwan at magbitbit ng pinutol na daliri nito na magsisilbing DNA sample.

Ngunit, hindi kasamang natulungan ang mas malaki pang grupo ng mga tropang humarang at nakipag-sagupaan sa mga rebeldeng Moro.

Isinalaysay ito ni dating SAF Director Getulio Napeñas sa closed-door sessions ng imbestigasyon ng Senado noong February 2015 kaugnay sa naging madugong engkwentro sa Mamasapano.

Ang 84th Special Action Company (SAC) ang grupong pumatay kay Marwan at pumutol sa daliri nito, habang ang 55th SAC ang nagsilbing blocking forces na pinatumba ng mga Moro rebels matapos ang misyon.

Nakakuha ang Inquirer ng kopya ng transcript ng mga napag-usapan sa closed-door sessions sa imbestigasyon ng joint committee noong February 12, 16, 17, 23 at 24, 2015.

Labinganim na senador ang pumirma noong Miyerkules, pagkatapos ng re-investigation na hiniling ni Sen. Juan Ponce Enrile, para aprubahan ang pag-release ng nasabing transcript.

Sa nasabing mga sesyon, sinabi ni Napeñas na binantayan ng mga Amerikanong mula sa Joint Task Force Philippines ang mga galaw ng 84th SAC na umatake sa kinaroroonan ni Marwan sa Pidsandawan, Mamasapano mula sa umpisa ng operasyon alas-4:30 ng madaling araw hanggang ma-rescue sila dakong alas-11 ng gabi ng January 25.

Ginawa nila ito gamit ang isang drone na “intelligence surveillance reconnaissance aircraft”, na nagbigay ng mga real-time na impormasyon sa mga kinaroroonan ng 84th SAC para matulungan ang mga tropa ng Pilipinas na hanapin at saklolohan sila.

Ani pa Napeñas, natulungan sila palabas ng 61st Division Reconnaissance Company ng Philippine Army dahil dito.

Pero nang 55th SAC na ang nagkumahog sa paghingi ng tulong sa pamamagitan ng radyo at cellphone habang nakikipag-bakbakan sa mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), walang ibinigay na ganoong tulong ang mga Amerikano para mahanap sila.

Dahil hindi sila pamilyar sa Mamasapano, ni hindi nila mai-bigay sa command post sa Shariff Aguak ang kanilang eksaktong lokasyon, kaya’t halos maubos ang 55th SAC sa pakikipagbakbakan sa mga kalaban ng halos buong araw.

Nabanggit pa ni Napeñas na ang 84th SAC o kilala rin bilang Seaborne, ay sinanay mismo ng mga Amerikano at tinukoy pa nila bilang “the best in SAF.”

Base sa mga testimonya ni Napeñas, sumang-ayon ang mga senador sa isa’t isa na tila ang 84th SAC lamang na may dala ng daliri ni Marwan ang talagang balak tulungan ng mga Amerikano, at wala silang pakialam sa 55th SAC.

Sa 44 na SAF commandos na nasawi, 35 sa kanila ang mula sa 55th SAC at 9 ang galing naman sa 84th SAC. Isang miyembro lang ng 55th SAC ang nakatakas at nakaligtas.

17 rebeldeng MILF naman ang nasawi sa engkwentro, habang may 3 sibilyan rin na nadamay at namatay.

Read more...