Malabong pag-pasa sa BBL, minaliit ng Palasyo

SONNY-HERMINIO-COLOMANanindigan ang Malacañang na hindi dapat ikatakot ang lumabas na mga ulat na malabo nang maisabatas pa ang kontrobersyal na Bangsamoro Basic Law (BBL) dahil sa kakulangan ng oras.

Sa pagharap niya sa media, sinabi ni Communications Sec. Herminio Coloma Jr. na walang anumang makaka-apekto sa pagsusulong ni Pangulong Aquino ng kapayapaan sa bansa.

“Kung ano man ang pinal na kahihinatnan ng panukalang Bangsamoro Basic Law, hindi natitinag ang determinasyon ni Pangulong Aquino na itaguyod ang prosesong pangkapayapaan,” ani Coloma.

Giit ni Coloma, ginagawa naman ng administrasyon ang lahat at pinaghihirapan nilang maabot ang inaasam na kapayapaan at kaayusan.

Payo ng kalihim, “Kaya mahalaga na mapanatili ‘yung pagiging mahinahon at pagiging mapagrespeto sa isa’t isa ang mga partidong involved dito sa nabuong kasunduan hinggil sa Bangsamoro at patuloy pa rin ‘yung pakikipagdiyalogo sa lahat ng mga sektor, sa lahat ng mga may sangkot o partisipasyon dito, dahil nasa interes naman ng lahat na itaguyod pa rin ‘yung prosesong pangkapayapaan.”

Mismong si Pangulong Aquino na rin aniya ang nag-hayag na hindi man ma-implementa ang buong proseso, naniniwala siyang ang pagtataguyod ng kapayapaan ay magpapatuloy at hindi na basta-bastang mapipigilan pa.

Hindi rin naman aniya nito maaapektuhan ang pagkakataon ni Aquino na makapag-iwan ng sariling legacy, dahil hindi naman nawala ang determinasyon ng Pangulo na ipagpatuloy ang peace process.

Naniniwala si Coloma na sinuman ang susunod na Pangulo, hindi nito hahayaang mapunta sa wala at mag-‘back to zero’ ang BBL dahil malamang na kikilalanin nito ang mga naipundar nang progreso na nagawa hanggang sa puntong ito.

Nitong Biyernes lamang, inamin ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na malabo nang maipasa ang BBL dahil sa kakulangan ng oras.

Aniya, kahit pa ipasa nila ang kanilang bersyon, malabo pa rin itong maisabatas bago magsara ang 16th Congress, lalo’t hindi pa kumukilos ang Senado hinggil dito.

Read more...