Patuloy na iiral pa rin ang total deployment ban ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait.
Ito ay kahit na nasampahan na ng kasong murder ng Kuwaiti government ang mag-asawang Kuwaiti employer na pumatay sa OFW na si Jeanelyn Villavende.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, welcome sa Palasyo ang naging hakhang ng Kuwaiti government na kasuhan ang mga employer dahil hustisya ang habol ng pamahalaan para kay Villavende.
Nabatid na nagtatrabaho sa Ministry of Interior sa Kuwait ang mga employer ni Villavende.
January 17 nang ipag-utos ni Pangulong Duterte ang total deployment ban ng mga OFW sa Kuwait matapos ang pagpatay kay Villavende.
Taong 2018 nang makipagkasundo ang Pilipinas sa pamahalaan ng Kuwait na bigyan ng maayos na pagtrato ang mga OFW bagay na hindi nagawa sa kaso ni Villavende.