Ang unang barko ay ang MV “World Dream Cruise Ship” mula sa Hong Kong.
Dumating ang nasabing cruise ship lulan ang 778 pasahero, Martes ng umaga.
Samantala, ang ikalawang barko mula pa rin sa China ay ang MV Ligulao.
Pero nilinaw ng PCG na hindi ito nagmula sa Wuhan, China kundi galing sa Lianyungang, Jiangsu, China o halos 900 kilometero ang layo mula sa Wuhan, China.
Dumating sa bansa ang MV Ligulao, araw ng Lunes (January 27).
Ayon sa PCG, aalis na rin sa Maynila, Miyerkules ng hapon, ang MV Ligulao at hndi naman bumaba mula sa barko ang 20 tripulante nito dahil wala silang tinatawag na shore pass.
Tutulak naman, Martes ng gabi, patungong Subic ang MV World Dream Cruise Ship at inaasahang darating doon Miyerkules ng umaga.
Tiniyak ng PCG sa tulong na rin ng Bureau of Quarantine na dumaan sa mabusisi at mandatary inspections ang naturang mga Chinese vessel at kapwa idineklarang cleared at ligtas naman sa 2019-novel coronavirus.
Samantala, nilinaw ng Bureau of Immigration (BI) na hindi nito pinagbabawalang makapasok sa bansa ang mga Chinese national.
Ayon kay Commissioner Jaime Morente, wala silang natatanggap na anumang direktiba mula sa Malacañang o Department of Justice (DOJ) na nag-uutos ng bagong polisiya para bawalan ang mga Chinese sa bansa.
Ginagawa aniya nila ang pagsususpinde sa Visa Upon Arrival o VUA, bilang proactive measure para mabawasan ang pagdagsa ng mga pasahero mula sa mga apektadong lugar at mapigilan ang pagpasok ng 2019 nCoV.
Paliwanag ni Morente, sakaling magkaroon man ng pagbabago sa polisiya patungkol dito, idadaan ito sa Department of Foreign Affairs (DFA) o sa Office of the President base sa magiging abiso ng Department of Health (DOH).
Una nang ipinatupad ng Immigration ang suspensyon ng VUA kasunod ng travel lockdown sa ilang mga lungsod sa China at pag-shutdown ng public transport services doon para mapigilan ang pagkalat ng nCoV.
Una na ring sinuspinde ng Civil Aeronautics Board ang direct flights mula sa Wuhan province sa China dahil sa banta ng nCoV.