Pilipinas, nananatiling coronavirus-free – DOH

PHOTO GRAB FROM DOH’S FACEBOOK LIVE VIDEO

Inihayag ng Department of Health (DOH) na nananatiling 2019-novel coronavirus-free ang Pilipinas.

Sa isang press conference, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na wala pang kumpirmadong kaso ng sakit sa bansa.

Bandang 1:30, Martes ng hapon, may limang kaso sa Maynila na dinala sa ospital.

Dahil dito ay umakyat na sa 24 ang ‘persons under investigation’ sa kaso ng nCoV.

Karamihan sa mga kaso ay Chinese national.

Tiniyak pa nito na wala pang Filipino na nakitaan ng mga sintomas sa coronavirus.

Ayon pa sa DOH, naitala ang mga kaso sa Metro Manila, Western Visayas, Central Visayas, MIMAROPA, Eastern Visayas at Northern Mindanao.

Dagdag pa ng kalihim, hinihintay pa ang resulta ng isinagawang pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa 13 katao at anim na iba pa mula sa Australia.

Sinabi rin ni Duque na nakikipag-ugnayan na ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Chinese government upang hindi makapasok ang 2019 nCoV sa bansa.

Kaugnay nito, pinayuhan ng kalihim ang mga nagnanais na magtungo sa ibang bansa na pansamantala munang umiwas sa bansang China.

Yaon namang mga Filipino na nasa China na nagnanais na makauwi na sa Pilipinas ay tutulungan ng pamahalaan at pagdating nila rito ay isasailalim sila sa 14 na araw na quarantine upang makatiyak na sila ay ligtas sa sakit.

Ayon naman kay WHO Philippines Director Rabindra Abeyasinghe, umabot na sa 4,515 ang kabuuang kaso ng Wuhan coronavirus sa China.

106 sa nasabing bilang ang nasawi bunsod ng bagong virus.

Read more...