Bata patay nang tamaan ng ligaw na bala sa Maynila

Nasawi ang isang batang babae matapos tamaan ng ligaw na bala mula sa engkwentro ng mga lalaking nakamotor at mga barangay kagawad sa Barangay 775, Sta. Ana sa Maynila, hapon ng Lunes (January 27).

Nakaupo lamang sa harap ng barangay sina Barangay Kagawad Roberto Cudal, 52 anyos, at tatlo pa nitong kasamahan at bumibili lamang ng barbecue ang bata sa likod ng mga ito nang biglang huminto sa pwesto ng mga tanod ang dalawang motorsiklo at nagpaputok ng baril.

Base sa CCTV footage, dalawang motorsiklo ang huminto sa pwesto ng mga tanod at bumaba ang isang lalaki at pinagbabaril si Barangay Kagawad Cudal at nagpaulan pa ng bala ang angkas ng isa pang motorsiklo bago tumakas ang mga ito.

Hindi agad napansin ng mga tao na bumagsak ang bata dahil nagtakbuhan ang mga ito habang bumagsak naman sa kalsada si Cudal at agad na isinugod sa ospital samantalang sugatan naman ang isa niyang katabi na si Romeo Nicolas, 59 anyos.

Tama ng bala sa dibdib ang natamo ng bata dahilan para agad itong masawi.

Sampung basyo ng bala ang nakuha sa crime scene.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga pulis kaugnay sa pamamaril.

Read more...