Pinayuhan ng Department of Education (DepEd) ang mga Chinese school sa Maynila na nagsuspinde ng klase dahil sa novel coronavirus na magsagawa na lamang ng make up classes sa Sabado o Linggo.
Sa “Laging Handa” press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na ito ay para makamit ng mga naturang eskwelahan ang itinatakda ng batas na bilang ng klase.
Ayon kay Briones, nasa pagpapasya ng private schools ang pagsususpinde ng klase at kinakailangan lamang na makipag-ugnayan sa kani-kanilang local government officials.
Pinapayuhan din ni Briones ang mga pribadong eskwelahan na makipag-ugnayan sa Department of Health (DOH) kung nais ng mga ito na magsuspinde ng klase bilang bahagi ng precautionary measures para makaiwas sa novel coronavirus.
Kabilang sa mga nagsuspinde na ng klase ang Hope Christian High School, Pace Academy, Saint Jude Catholic School, Stephen’s High School, Uno High School, Chiang Kai Shek College sa Padre Algue at Narra campuses nito at ang Philippine Academy of Sakya sa Maynila.