Nasunog ang isang taxi habang binabagtas nito ang southbound lane ng EDSA sa Quezon City.
Naganap ang insidente sa bahagi ng EDSA sa tapat ng Gate 1 ng Camp Crame.
Ayon kay German Platilla, driver ng Duchess Taxi na may plate number na ATA 9868, binabagtas niya ang kahabaan ng EDSA sakay ang dalawang pasahero nang biglang huminto ang makina ng sasakyan.
Kasunod nito ang pag-usok ng unahang bahagi nang taxi kaya mabilis siyang bumaba gayundin ang dalawang pasahero.
Kwento ni Platilla, bubuhusan niya pa sana ng tubig ang umuusok na makina pero bigla itong nagliyab at pumutok.
Aminado si Platilla na nabigla siya sa pangyayari dahil hindi naman umilaw ang warning light ng taxi para matukoy niya kung ito ay nag-o-overheat na.
Hindi naman nasaktan si Platilla gayundin ang dalawang pasaherong babae.
Gayunman, nagdulot ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko sa EDSA southbound ang nasabing insidente.