“Kalibo-Boracay dapat bantayan kontra Wuhan coronavirus” sa ‘WAG KANG PIKON ni JAKE J. MADERAZO

KUNG merong lugar na pagmumulan ng novel coronavirus sa bansa, ito’y sa Kalibo-Boracay area kung saan namalagi roon ang higit 500 Chinese tourists direkta mula mismo sa ground Zero, ang Wuhan City, China.

Simula noong Biyernes hanggang ngayon, isinagawa ang forced repatriation ng naturang mga turista sa pamamagitan ng dalawang air charter companies, ang Royal Air Charter at Pan Pacific airlines. Meron silang anim na regular and direct flights mula Wuhan City-Kalibo, linggo-linggo, para sa mga taga-Wuhan na makapagbakasyon sa Boracay at iba pang lugar sa bansa.

At kahit sinimulan ng China noong Huwebes ang lockdown ng Wuhan City alas-10 ng umaga, meron pa ring dumating ng 6 am sa Kalibo sakay ng 135 Chinese tourists. Pero ang outbound flight ng papauwing Chinese ay hindi na pinaalis. Gayunman, nagkaroon ng koordinasyon ang CAAP sa Chinese Civil Aviation authorities at ipinatupad ang forced repatriation at habang ginagawa ito, inilagay sa mga hotel sa Kalibo ang mga papauwing turista mula Wuhan.

Ang sabi ng CAAP, nakabantay ang Department of Health at Bureau of Quarantine sa mga naturang Chinese tourists mula loob ng eroplano hanggang sa holding area kung saan walang nagpakita ng sintomas.

At dito, maraming kwestyon ang lumilitaw. Sa higit 500 Chinese tourists mula sa Wuhan city na nagpunta ng Kalibo-Boracay, gaano kalaki ang posibilidad na meron sa kanilang carrier ng novel coronavirus? At meron kayang nahawa sa mga kababayan natin sa mga otel o restoran na tinuluyan ng mga Wuhan tourists na ito? Sana walang carrier sa kanila, pero mahirap alisin ang mga pangamba dahil higit 500 ang mga turistang ito na galing mismo sa ground zero ng coronavirus.

Matatandaan na merong tatlong Chinese tourists papuntang Boracay at isang flight attendant na galing sa Wuhan ang nilagnat at di makahinga pagdating sa Kalibo airport pero na-clear sa coronavirus. Gayundin cleared na rin ang 5-year old Chinese boy sa Cebu na ang dugo ay pinadala pa sa Australia. Sa ngayon, ang magandang balita ay wala pa tayong “confirmed case” ng Wuhan coronavirus.

Habang sinusulat ko ito, hindi pa rin idinideklara ng WHO na global health emergency ang Wuhan coronavirus. Ayon sa Chinese state TV na China Global television network (CGTN), 56 katao ang nasawi, 1,985 confirmed cases kabilang ang sampu sa Hongkong, Macao at Taiwan. Merong 2,684 suspected cases pero meron ding 49 kataong nagamot o gumaling na sa virus.

Sa ganitong mapanganib na sitwasyon lalo na ang mga kabataan at matatanda na mas tinatamaan ng sakit na ito, dapat magtiwala tayong lahat sa ating Health Secretary Fransisco Duque III. Pero, inaasahan naman natin na gagawin nila ang mabilis at mga tiyak na aksyon para protektahan ang taumbayan sa Wuhan coronavirus na ito.

Unang-una rito ay ang mas istriktong monitoring ngayon ng Boracay-Kalibo area, kung saan namalagi roon ang daan-daang taga-Wuhan City.

Ikalawa, ang paghahanda ng mga emergency health facilities para sa mga confimed at suspected coronavirus cases, na posibleng dumami at lumaki sa iba’t ibang lugar.

Ikatlo, maghanda ng sapat na medical doctors at nurses upang mag-alaga at gumamot sa ganitong infectious na karamdaman lalo’t kung crisis situation ang mangyari.
At pinakaimportante, magdasal tayong lahat.

Read more...