Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na sa kabila ng mga iskandalo na ipinupukol kay Pangulong Duterte, mataas pa rin ang approval rating nito.
Hindi na aniya bago ang mga iskandalo sa pangulo dahil noon pa man ay binabato na siya ng kaliwa’t kanang kontrobersiya.
“Ano pa bang bagong iskandalo? Di ba tinatapunan siya ng kung anu-anong iskandalo, eh lalong tumataas ang rating niya?,” ani Panelo.
Naka-focus aniya ang pangulo sa pagtatrabaho.
Wala aniyang pakialam ang pangulo kung bibigyan siya ng mataas o mababang approval rating dahil iisa lamang ang layunin ng punong ehekutibo. Ito ay ang mabigyan ng komportableng pamumuhay ang bawat Filipipno.
“Basta si Pangulong [Duterte] nagtatrabaho siya. Gaya ng sabi niya, he could not care less kung matuwa sa kanya o hindi o bigyan nyo siya ng approval rating na mataas o mababa,” ayon kay Panelo.
Ilan sa mga iskandalo na ibinato sa pangulo ang pagkakaroon ng umano’y tagong yaman o milyun-milyong deposition sa bangko, lagay ng kalusugan, pangbabae at iba pa.