Alyansa ng Pilipinas at Amerika, tuloy pa rin; EDCA, MTA hindi ibabasura ni Pangulong Duterte

Pinakakalma ng Palasyo ng Malakanyang ang publiko sa gitna ng naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuldukan na ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na walang dapat na ikabahala ang publiko dahil tuloy pa rin naman ang alyansa ng dalawang bansa.

Ayon kay Panelo, hindi naman gaya ng VFA, hindi ibabasura ng pangulo ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), mutual logistics and service agreement, military assistance agreement at ang mutual defense treaty.

Katunayan, sinabi ni Panelo na naging kapaki-pakinabang lamang sa Amerika ang VFA dahil ang mga Amerikanong sundalo ang nabigyan ng pribilehiyo.

“The VFA is more on the privileges granted to the American military. It does not affect all other treaties which are and relative to the security of the Philippines’ alliance with the United States,” ani Panelo

Inihalimbawa ni Panelo na sa ilalim ng VFA, kapag may nagawang krimen ang Amerikaong sundalo, walang hurisdiksyon ang Pilipinas hanggat hindi ito nagkaroon ng litigant importance gaya nang naging kaso noon ni Corporal Daniel Smith na nadawit sa panggagahasa sa Subic, Zambalaes noong 2005.

Sinabi pa ni Panelo na hindi rin maapekltuhan ang kampanya ng pamahalaan kontra sa terorismo kahit wala na ang VFA dahil malakas pa rin naman ang puwersang militar.

Read more...