Sinampahan ng reklamong plunder at graft sina Bureau of Customs (BOC) Commissioner Alberto Lina, dating Customs Commisioner Guillermo Parayno at dating Customs Deputy Commissioner Primo Aguas.
Ayon kay Atty. Harry Roque, ang reklamo ay may kaugnayan sa ginawang pagkansela sa P650 million na Modern Integrated Processing System ng BOC.
Maliban sa nasabing mga reklamo, ipinagharap din ng reklamong paglabag sa probisyon ng procurement law sina Lina at Aguas.
Sa ilalim ng integrated system, inaasahang mapapadali ang mga transaksyon sa BOC at maiiwasan ang smuggling. Maglalagay kasi ng database system para sa “real time tracking” ng mga proseso sa customs sa buong bansa.
Nakasaad sa reklamo na ang kontrata para sa modern integrated processing system ay inaprubahan ni Customs Commissioner John Sevilla at nai-award ang kontrata sa winning bidder na Omniprime.
Pero nang maupo sa pwesto si Lina, dalawang linggo pa lamang ito sa panunungkulan ay kinansela na nito ang kontrata dahil kailangan umano niyang pag-aralan muna ang lahat ng proyekto ng BOC.
Dahil sa pagkansela sa kontrata ng Omniprime, nakinabang umano ang kumpanyang E-Konek Pilipinas na kasalukuyang service provider ng BOC.
Nabatid na 96.48 percent ng E-Konek ay pag-aari ni Lina at kaniyang pamilya. “The cancellation by Lina was a grave instance of a criminal conflict of interest, manifest illegal partiality and malevolent bad faith because it benefitted E-Konek Pilipinas,” ayon sa reklamo./Erwin Aguilon