Tatlong mangingisda nailigtas ng coast guard sa Abu Sayyaf infested area sa Sulu

Nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang tatlong mangingisda na sakay ng bumaligtad na motorbanca sa Parang, Sulu.

Ayon sa PCG – Search Operations Unit (SOU) nakita ang tatlo sa Sulade Island sa bayan ng Parang.

Pawang residente ng Hadji Panglima Tahil, Sulu ang mga mangingisda.

Nakilala ang mga ito na sina Wely Nasilin, 28 anyos; Opasan Asaran, at isang 17 anyos na lalaki.

Hinampas ng malalakas na alon ang bangka ng tatlo kaya bumaligtad ang kanilang bangka.

Agad dinala sa Hadji Warrid Wharf sa Patikul, Sulu ang tatlo.

At dahil nailigtas sila sa Abu Sayyaf Group (ASG) – infested area kinailangan silang isailalim sa pagtatanong ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para sa profiling at validation.

Ayon naman sa PCG, napatunayang walang kaugnayan sa ASG ang mga ito kaya agad ding napayagang umuwi.

Read more...