Mga crew ng CebuPac flight na sinakyan ng Chinese Family galing HK isinailalim sa pagsusuri; mga nakasabay na pasahero pinayuhang magpasuri

Tiniyak ng Cebu Pacific na nagsagawa ito ng precautionary measures kasunod ng ulat na bumiyahe mula Hong Kong patungong Pilipinas ang pamilya ng isang lalaking Chinese na nagpositibo sa bagong strain ng Coronavirus.

Base sa ulat, sakay ng Cebu Pacific Flight 5J 111 Hong Kong to Manila ang apat na pasahero at dumating sila sa bansa Miyerkules ng hapon ng January 22.

Ayon sa tagapagsalita ng Cebu Pacific na si Charo Logarta Lagamon, nang dumating ang eroplano ay agad isinailalim sa pagsusuri ng Bureau of Quarantine ang mga crew ng naturang flight at wala naman sa kanilang nakitaan ng sintomas ng trangkaso.

Nakikipag-ugnayan din ang Cebu Pacific sa mga otoridad sa Hong Kong para maberipika kung totoong ang apat na Chinese na bumiyahe papuntang Pilipinas ay pamilya ng lalaking nagpositibo sa SARS-like virus.

Bilang precautionary measure ay pinayuhan ng Cebu Pacific ang lahat ng pasaherong sakay ng Flight 5J 111 kahapon na agad magpatingin sa duktor kung magkakaroon ng sintomas ng flu kabilang ang sipon, ubo, pamamaga ng lalamunan o lagnat.

Nagsagawa din ng disinfection sa eroplanong sinakyan ng Chinese family.

Read more...