PCG, nakikipag-ugnayan sa China Coast Guard sa paghahanap sa pitong nawawalang mangingisda sa Pangasinan

Inquirer file photo

Makikipag-ugnayan na ang Philippine Coast Guard (PCG) sa China Coast Guard (CCG) sa paghahanap sa pitong nawawalang mangingisda na sakay ng fishing banca (FB) Narem 2.

Ayon kay PCG Spokesman Captain Armand Balilo, kasama ang CCG sa mga padadalhan ng notice to mariners.

Ang FB Narem 2 na isa raw malaking bangkang pangisda ay naglayag noong January 6 mula sa Infanta, Pangasinan at nakatakda sanang bumalik noong January 14.

Huling nagkaroon ng komunikasyon ang may-ari ng bangka na si Christine Macaraig sa mga mangingisdang sakay ng FB Narem 2, 2:00 ng hapon ng January 13.

Noong January 13, ang bangka ay nasa layo umanong 60 nautical miles mula sa Barangay Hermosa sa Dasol, Pangasinan.

Nang maglayag ang FB Narem 2 ay wala namang umiiral na weather disturbance sa Pangasinan.

Itutuloy lamang daw ng PCG ang search and rescue operation.

Bukod sa mga barko na idineploy na ng PCG, tuluy-tuloy daw ang gagawing aerial sorties.

Nagsasagawa na rin daw sila ng coastal search kung saan nagtutungo sila sa mga coastal community para malaman kung napadpad ba doon ang nawawalang bangka.

Read more...