Ayon kay TWG Chairman Antonio Gardiola Jr., mula sa 10,000 biker cap na kanilang ipinatupad bawat service provider ay itinaas ito sa 15,000.
Ito aniya ang napagkasunduan matapos ang pulong kahapon (Jan. 21) ng TWG sa tatlong ride-hailing firms na Angkas, JoyRide at MoveIt.
Una nang nagpatupad ng 39,000 na overall biker cap ang TWG para sa pilot testing ng motorcycle taxi.
Sa nasabing bilang 30,000 ay sa Metro Manila at 9,000 sa Metro Cebu.
Base sa panibagong napagkasunduan, bawat ride-hailing firm ay papayagan nang magkaroon ng 15,000 na riders dito sa Metro Manila at 3,000 naman na riders bawat ride-hailing firm sa Metro Cebu.
Napagkasunduan din sa pulong na iaatras na ng mga kumpanya ang kasong inihain nila sa korte laban sa TWG at nangako ding walang isasampang mga kaso sa kasagsagan ng pilot run.