Anim na volcanic earthquake naitala sa Bulkang Taal sa nakalipas na magdamag; alert level 4 nakataas pa rin

Patuloy na bumababa ang naitatalang bilang ng volcanic earthquake at ibinubugang sulfur dioxide ng Bulkang Taal.

Sa latest volcano bulletin ng Phivolcs, sa nakalipas na 24 na oras, mahihinang pagbubuga lamang na abo ang naitala sa bulkan, na ang taas ay umabot sa 50 hanggang 500 meters.

Ang naibugang Sulfur dioxide (SO2) ng bulkan ay tinatayang aabot na lang sa 153 tonnes kada araw.

Ayon sa Phivolcs, sa nakalipas na 24 na oras ay nakapagtala ng anim na volcanic earthquake sa bulkan na mahihina lamang at may magnitude na 1.5 hanggang 2.4.

Simula naman noong ala 1:00 ng hapon ng January 12 ay umabot na sa 725 ang naitalang volcanic earthquakes.

Sa kabila ng tila pananahimik ng bulkan ay nananatiling nakataas ang Alert Level 4.

Ibig sabihin ayon sa Phivolcs, malaki pa rin ang posibilidad ng pagkakaroon ng hazardous explosive eruption sa susunod na mga oras o araw.

Dahil dito, kailangang panatilihin ang total evacuation sa Taal Volcano Island at mga high-risk area na unang tinukoy sa hazard maps na nasa 14-km radius mula sa Main Crater ng Taal.

Read more...