Resulta ng pagsusuri sa batang nakitaan ng sintomas ng coronavirus bukas darating sa bansa – DOH

Bukas ng hapon inaasahang lalabas ang resulta ng pagsusuri sa bata na nakitaan ng sintomas ng coronavirus sa Cebu.

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Health Sec. Francisco Duque III ipinadala sa Melbourne, Australia ang samples na kinuha sa limang taong gulang na bata.

Ngayong araw inaasahang matatanggap ng mga otoridad sa Melbourne ang samples at 24 na oras bago lumabas ang resulta nito.

Sa sandaling magpositibo sa SARS-like virus na kumakalat ngayon sa China, sinabi ni Duque na kabilang sa agad isasagawa ng DOH ay ang contact tracing.

Hahanapin aniya ng surveillance unit officers ng DOH ang unang apat na pasahero sa eroplano na katabi ng bata.

Kabilang dito ang kaniyang katabi sa kaliwa at kanan, at kaniyang nasa harapan at likuran.

Pero ayon kay Duque ang nanay ng bata na isa sa mga katabi niya sa eroplano ay maayos ang kondisyon at walang nakitang sintomas dito.

Bumubuti na rin aniy ang kondisyon ngayon ng bata.

Read more...