Ayon kay Atty. Jacqueline Ann de Guia, tagapagsalita ng CHR, tiwala sila sa pahayag ni Gamboa na titiyaking masusunod ng mga pulis ang due process, karapatang pantao, transparency at public accountability.
Binanggit ni de Guia ang lumabas na survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan 76 porsyento ng mga Filipino ang naniniwalang nagpapatuloy pa rin ang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng kampanya kontra sa ilegal na droga ng administrasyon.
Maliban dito, 78 porsyento ng mga Filipino naman aniya ang naniniwalang mayroong ‘ninja cops’ o mga pulis na nagbebenta ng ilegal na droga mula sa mga nakukumpiska sa operasyon.
Ani de Guia, sa ilalim ng pamumuno ni Gamboa, umaasa sila na maibabalik ng PNP ang imahe na mayroong “greater transparency” sa kanilang mga operasyon at tapat na pagpapatupad ng batas.
Umaasa rin aniya ang CHR ng mas maayos na kooperasyon mula sa PNP pagdating sa pagsasagawa ng mga imbestigasyon sa mga kaso ng human rights violations.
“CHR recognises the importance of our police force in protecting everyone’s right to life, liberty, and property and we continuously extend our hand of partnership in the interest of upholding the rights and dignity of all,” dagdag ni de Guia.