DOH kinumpirmang may iniimbestigahang kaso ng Corona Virus sa Cebu

Photo grab from DOH’s Facebook live video

Kinumpirma ni Health Secretary Francisco Duque III na may isang person under investigation na sila na posibleng nagtataglay ng Corona Virus-like symptoms at kanila itong isinailim sa quarantine.

Ito ay ang isang limang taong gulang na bata na bumiyahe mula sa Wuhan, China at na-admit sa Cebu City matapos makitaan ng lagnat, throat irritation at ubo bago pumasok sa bansa.

Nagtungo raw sa Cebu ang bata para mag-aral ng wikang Ingles.

Dumating ito noong Enero 12, 3:00 ng hapon at agad na-confine sa ospital pagsapit ng 6:00 ng gabi.

Agad namang sinuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang sample mula sa pasyente pero negatibo ito sa MersCov o Sars.

Pero nagpositibo ito sa non-specific Corona Virus kaya pinadala na rin sa laboratoryo sa Australia ang sample ng pasyente para matukoy ang Corona Virus strain nito.

May minomonitor rin ang DOH na tatlong indibiduwal na nakitaan ng flu-like symptoms nang dumating sa bansa sa Kalibo International Airport mula sa China pero wala aniya itong history ng biyahe sa Wuhan.

Read more...