3 Chinese na patungong Boracay nakitaan ng sintomas ng flu isinailalim sa tests

Google Map Image Capture

Kinuhanan ng blood at saliva sample ang tatlong turistang Chinese na patungo ng Boracay makaraang makitaan ng sintomas ng flu ang tatlo.

Ayon kay Dr. Cornelio Cuachon Jr., Aklan provincial health officer, hindi naman isinailalim sa quarantine ang tatlong dayuhan.

Sinabi ni Cuachon na pinayagan din naman ang tatlo na makatuloy sa Boracay.

Ubo, sipon at mild fever ang nakitang sintomas sa tatlo.

Unang dinala sa Dr. Rafael S. Tumbukon Memorial Hospital ang isang 29 anyos na babaeng Chinese noong Jan. 17.

Nag-overnight sa ospital ang dayuhan at kinabukasan na nakaalis patungong Boracay.

Noong Jan. 18 naman isang tatlong taong gulang na batang babaeng Chinese national ang dinala din sa pagamutan para masuri.

Kahapon, Lunes (Jan.20) isamg 65 anyos na lalaking Chinese ang ipinasuri din.

Dinala sa Department of Health office sa Iloilo City at sa Research Institute for Tropical Medicine ang samples na kinuha sa tatlo.

Nag-iingat ang health authorities sa bansa laban sa bagong strain ng coronavirus na nagdulot pneumonia sa maraming indibidwal sa China at ikinasawi na ng tatlong katao.

Read more...