DFA, nagbabala ukol sa pagbabawal na magdala ng livestock products sa South Korea

Nagbabala sa publiko ang Department of Foreign Affairs (DFA), sa pamamagitan ng Embahada ng Pilipinas sa Seoul, ukol sa pagbabawal ng pagdadala ng animal o livestock products sa South Korea.

Ito ay alinsunod sa “Act on the Prevention of Contagious Animal Disease” at mga abiso ng iba’t ibang ahensya ng South Korean government.

Dapat anilang i-report sa quarantine office ng mga paliparan o pantalan ang mga papasok na livestock product.

Ayon sa kagawaran, sinumang mabigong mag-report o magdeklara ng pagdadala ng restricted animal/livestock products sa mga paliparan at pantalan ay pagmumultahin ng ₩10,000,000 o P439,815.73.

Sa mga hindi makakabayad ng multa ay pagbabawalan nang makapasok ng South Korea.

Pinaalalahanan ang lahat ng Filipino na papasok sa South Korea bilang turista, trabahador o empleyado na huwag magdala ng mga restricted item sa kanilang hand-carry o checked-in luggage.

Ayon sa DFA, lahat ng hand-carry and checked-in luggage ng mga pasahero ay isinasalang sa security screening sa airport terminals.

Read more...