Basehan ni Pangulong Duterte sa pagpili ng PNP chief, katapatan – Palasyo

Katapatan o honesty ang naging basehan ni Pangulong Rodrigo Duterte para italagang permanenteng hepe ng Philippine National Police (PNP) si Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa.

Pahayag ito ng Palasyo matapos ang tatlong buwang paghahanap ni Pangulong Duterte sa nabakanteng puwesto ng nagretirong si dating PNP chief Oscar Albayalde noong Nobyembre 2019.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na maaring napagtanto ng pangulo na tapat si Gamboa.

Naging mas matimbang aniya sa pangulo ang katapatan kaysa sa competence dahil trabaho na ng pulis na kayanin ang lahat ng kanyang tungkulin.

“Ayon sa kanya, isa lang naman ang kanyang basis pag nag-appoint siya. ‘Yung competence kasi, he already assumes na competent ka,” ani Panelo.

Gayunman, hindi matukoy ni Panelo kung mananatili pa kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año o ibabalik na sa PNP ang procurement power.

Matatandaang inalis na sa PNP ni Pangulong Duterte ang kapangyarihan sa pagbili ng mga gamit dahil sa matinding korupsyon.

Read more...