Panukalang magtatag ng Taal Commission, welcome sa Palasyo

Bukas ang Palasyo ng Malakanyang sa panukala ni Senador Ralph Recto na magtatag ng Taal Commission na tututok sa rehabilistasyon sa mga apektadong residente bunsod ng pagputok ng Bulkang Taal.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na lahat ng magagandang panukala ay pag-aaralan ng Palasyo at ipatutupad lalo na kung makabubuti sa mamamayan.

“Lahat ng magagandang proposal siyempre pag-aaralan natin at ipapatupad natin ‘pag ‘yun ay talagang makakabuti sa ating mga kababayan,” ayon kay Panelo.

Nasa pagpapasya na aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte kung sesertipikahang urgent ang resolusyon na ihahain ni Recto sa Senado.

Gayunman, sinabi ni Panelo na walang nakikitang sapat na basehan ang Palasyo na bumuo ng task force para mangasiwa sa relief operations.

Paliwanag ni Panelo, maayos naman ang pagbibigay ng ayuda ng pamahalaan maging ng ibang pribadong indibidwal at non-government organizations.

“Sa ngayon wala akong nakikitang pangangailangan niyan sapagkat in place lahat. In place lahat kaya napupuri ni Presidente,” dagdag ni Panelo.

Read more...