Inihayag ng PAGASA na apektado pa rin ng Northeast Monsoon o Amihan ang Silangan at Gitnang Luzon.
Sa weather update bandang 4:00 ng hapon, sinabi ni PAGASA weather specialist Raymond Ordinario na iiral ang maulap na papawirin na may mahihinang pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region (CAR) at Aurora province.
Apektado naman aniya ang Silangang bahagi ng Katimugang Luzon ng tail end of a cold front.
Wala aniyang namamataang sama ng panahon na posibleng mabuo bilang bagyo sa susunod na tatlo hanggang limang araw.
Dahil dito, magiging maayos aniya ang lagay ng panahon sa Sinulog Festival sa Cebu.
Samantala, kasunod ng pag-alboroto ng Bulkang Taal, sinabi ni Ordinario na maaapektuhan ng ibinubugang abo nito na may taas na 5 kilometers pababa ang mga munisipalidad sa Timog at Timog-Kanluran ng Taal Volcano.
Kung tumaas sa 5 kilometers ang eruption column, posible aniyang maapektuhan ang Silangan at Hilagang-Silangang bahagi ng Batangas at Laguna.
Bunsod nito, patuloy pa rin aniyang pinaghahanda ang mga residente sa Batangas, Cavite at Laguna sa posibleng epekto ng eruptive activity ng bulkan.
Samantala, sinabi ni Ordinario na magiging maaliwalas ang panahon sa nalalabing parte ng bansa kabilang ang Metro Manila.