Bilang ng naitalang pagyanig ng Bulkang Taal umabot na sa 666; Alert level 4 nakataas pa rin

Umabot na sa 666 ang naitalang pagyanig ng Bulkang Taal simula nang ito ay pumutok noong January 12 bandang 1:00 ng hapon hanggang 5:00 ng umaga ng Sabado (January 18).

Ayon sa Philippine Seismic Network, 174 sa 666 ay may lakas na magnitude 1.2 hanggang magnitude 4.1 na may naramdamang intensity 1 hanggang 5.

Naitala ang 32 volcanic quakes na may magnitude 1.5 hanggang magnitude 3.3 simula 5:00 ng umaga ng Biyernes (January 17) hanggang 5:00 ng umaga ng Sabado (January 18).

Naitala naman ng Taal Volcano Network ang 876 volcanic earthquakes kabilang ang anim na malakas na pagyanig at 20 mahihinang lindol na nagpapahiwatig ng patuloy na magmatic intrusion ng Bulkang Taal na dahilan ng patuloy na eruptive activity ng bulkan.

Nakapagtala naman ng steady steam emission at mahihina at hindi madalas na pagsabog na may 50 hanggang 600 meters na ash plumes sa southwest ng main crater ng Taal.

Ayon naman sa Phivolcs, nananatiling nakataas ang Alert Level 4 sa bulkan at muling ipinaalala ang total evacuation sa Taal Volcano Island at high-risk 14-kilometer radius mula sa main crater at sa kahabaan ng Pansipit River Valley.

Read more...