Imbestigasyon vs Phivolcs ukol sa pagsabog ng Bulkang Taal, dapat isantabi ng Kamara – Rep. Salceda

Ipinasasantabi ni Albay Rep. Joey Salceda sa Kamara ang imbestigasyon laban sa Phivolcs matapos ang pagsabog ng Bulkang Taal.

Ayon kay Salceda, sa halip na imbestigahan ang Phivolcs ang kailangan ay gumawa ng hakbang ang Mababang Kapulungan upang matulungan ang mga distrito na apektado ng pag-aalburuto ng bulkan.

Kailangan anyang iwasan muna ang mga imbestigasyon dahil sagabal ito sa pagtulong sa mga nangangailangang mga apekgtado ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Hindi aniya dapat minamaliit ang kakayahan ng mga otoridad lalo pa’t lahat ay talo sa pinsalang dulot ng Taal Volcano.

Muli ring ipinanawagan ng kongresista na madaliin na ang pag-apruba sa pagkakaroon ng Department of Disaster Resilience o DDR.

Bukod pa rito ay ang pagpasa rin ng kanyang panukala na nagbibigay ng two-day calamity leave sa mga apektado ng mga kalamidad.

Ang rekomendasyon ni Salceda ay kasunod ng paghahain ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga ng House Resolution 643 na nagpapaimbestiga sa Phivolcs kaugnay sa kawalan nito ng warning sa pagputok ng Bulkang Taal sa kabila ng mga volcanic activities na naitatala mula noong isang taon.

Read more...