Inihayag ng PAGASA na walang papasok na bagyo o anumang sama ng panahon sa bansa sa susunod na tatlo hanggang limang araw.
Sa weather update bandang 4:00 ng hapon, sinabi ni PAGASA weather specialist Ana Clauren na Northeast Monsoon o Amihan na lamang ang nakakaapekto sa ilang parte ng bansa.
Bunsod nito, makararanas pa rin aniya ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan sa Cordillera Administrative Region (CAR), Cagayan Valley, Aurora, Quezon at Bicol region.
Samantala, magiging makulimlim naman ang panahon sa bahagi ng Batangas at Cavite dahil sa volcanic activity ng Taal.
Posible rin aniya ang mga isolated light rains.
Sinabi ni Clauren na asahan naman na magiging maaliwalas ang panahon sa nalalabing bahagi ng bansa kabilang ang Metro Manila.