Ito ay dahil sa patuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Taal.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Cavite Governor Jonvic Remulla, aabot sa P15 milyon ang gagamiting calamity fund.
Ayon kay Remulla, bagamat hindi direktang apektado ang Cavite ng pagputok ng Bulkang Taal, nagpasya ang lokal na pamahalaan na magdeklara ng state of calamity dahil sa dami ng mga evacuee na kinupkop mula sa probinsya ng Batangas.
Ayon kay Remulla, sa huling tatlong araw, umabot na sa 15,000 na evacuee ang kinakalinga ng Cavite.
Nakakalat aniya ang mga evacuee sa pitong munisipyo pero ililipat din sa mas malayong lugar gaya sa bayan ng Dasmarinas, Imus at Bacoor para masiguro ang kanilang kaligtasan.
Ayon kay Remulla, maayos na pinapakain at inaalagaan ng mga taga-Cavite ang mga taga-Batangas.
Kalahati aniya sa mga evacuee ay nanunuluyan sa mga evacuation center at mga eskwelahan habang ang kalahati ay nanunuluyan sa mga pribadong tahanan.
Pakiusap ni Remulla sa mga nagnanais na tumulong na ideretso na lamang ang kanilang tulong sa mga taga-Batangas at huwag nang idaan sa lokal na pamahalaan ng Cavite.
Sa ngayon aniya, unti-unti nang bumabalik sa normal ang sitwasyon sa Cavite bagamat hindi pa naibabalik ang suplay ng kuryente sa bayan ng Alfonso.