Sa inilabas na abiso bandang 5:00 ng hapon, sinabi ng ahensya na may taas na 700 metro ang ibinubugang abo ng bulkan.
Ayon sa Phivolcs, nagkaroon ng fissures o bitak sa bayan ng Lemery, Batangas partikular sa bahagi ng Sinisian, Mahabang Dahilig, Dayapan, Palanas, Sangalang, Poblacion, Mataas na Bayan; Agoncillo sa Pansipit, Bilibinwang; Talisay sa Poblacion 1, Poblacion 2, Poblacion 3, Poblacion 5; at San Nicolas partikular sa Poblacion.
Mayroon din ailang fissures sa Sambal Ibaba sa Lemery.
“Drying up of portions of Pansipit River has also been observed,” ayon pa sa abiso ng Phivolcs.
“Newly acquired satellite images would show that the Main Crater Lake (MCL) has been drained and new vent craters have been formed inside the Main Crater and on the north flank of the volcano,” ayon pa sa Phivolcs.
Sa huling tala bandang 1:00 ng hapon, umabot na sa 520 volcanic earthquakes ang naitala sa lugar.
Sa nasabing bilang, 169 rito ang naramdaman na may lakas na Intensity 1 hanggang 5.
Simula naman bandang 5:00 ng madaling-araw hanggang 4:00 ng hapon, mayroon pang 53 volcanic earthquakes kung saan 12 ang naramdaman sa lugar.
Dahil dito, sinabi ng ahensya na mananatili pa rin sa Alert Level 4 ang Bulkang Taal.
Asahan pa rin anila ang hazardous explosive eruption sa mga susunod na oras o araw.