Palasyo, sang-ayon na ideklarang ‘no man’s land’ ang Taal Volcano Island

Sinang-ayunan ng Palasyo ng Malakanyang ang rekomendasyon ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan na ideklarang ‘no man’s land’ ang Taal Volcano Island.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na matagal nang dapat na “no man’s land” ang Taal Volcano Island.

“Matagal nang “no man’s land” talaga dapat ‘yun dahil talagang delikado doon,” pahayag ni Panelo.

Masyado lang aniyang matitigas ang ulo ng ilang mga residente at nagnanais na maghanap-buhay kung kaya patuloy na bumabalik kahit nasa danger zone na.

Aminado si Panelo na kaya nakalulusot ang ilan dahil sa kawalan ng perimeter wall sa palibot ng Bulkang Taal.

Iginiit ni Panelo na mahalaga na mabigyan ng sapat na edukasyon ang taong bayan na masyadong peligroso ang paligid ng bulkan.

Hindi naman aniya mamamatay ang mga Filipino kung walang turismo dahil mas mahalaga ang buhay ng tao.

“Matigas lang ang ulo ng mga kababayan natin eh dahil gusto din nilang maghanap buhay sakay may mga turista doon. Pero ang katotohanan niyan ay talagang delikado doon,” mpahayag ni Panelo.

Read more...