Kinontra ni dating Special Action Force Director Getulio Napeñas ang alegasyon ng Armed Forces of the Phillippines na nagawa pa niyang ngumiti habang napapalaban ang kanyang mga tropa sa Mamasapano Maguindanao noong January 25, 2015.
Ang tugon ni Napeñas ay bilang reaksyon sa ipinakitang larawan ng AFP sa kanilang powerpoint presentation kahapon sa senado kung saan sinabing nakangiti pa umano ito habang nakikipag-usap sa ilang opisyal sa kasagsagan ng ‘Oplan Exodus’.
Paliwanag ni Napeñas, nagsasalita siya ng mga panahong nakunan ang larawan habang kausap nito si SAF Deputy Director Noel Taliño ngunit hindi aniya siya nakangiti.
Makikita rin aniya sa mukha ni Taliño ang kalungkutan kaya’t hindi siya aniya nakangiti ng mga oras na iyon.
“Malungkot at ninerbiyos lahat kami. Sabi ko nga sa inyo paulit nyo, tingnan nyo yung mukha ni General Taliño kung gaano kalungkot na nakaganyan sya, ” giit ni Napeñas.
Nagpaliwanag din si Napeñas na nakasibilyan sila ng mga panahong inilunsad ang ‘Oplan Exodus’ dahil bahagi ito ng operational security noong mga panahong iyon.