Nagbanta si dating PDEA officer Lt. Col. Ferdinand Marcelino na magha-hunger strike bilang protesta sa aniya’y maling pag-aresto sa kanya ng mga tauhan ng dating tanggapan na kanyang pinagtatrabahuhan.
Giit ni Marcelino, bilang isang opisyal ng militar, kanyang tinutulungan lamang ang gobyerno na mapigil ang pagkalat ng iligal na droga nang siya ay makita sa sinasabing shabu warehouse sa Felix Huertas St., Maynila noong nakaraang linggo.
Hindi aniya tama na agad siyang husgahan sa mga kasong inaakusa laban sa kanya.
At bilang pagpapakita ng protesta, kanyang ilulunsad ang hunger strike hanggang hindi siya napapalaya.
Sinisi rin ni Marcelino si PDEA Director Arturo Cacdac sa masaklap na sinapit matapos madakip ng Anti-Illegal Drugs Group sa isang shabu warehouse noong nakaraang linggo.
Paliwanag ni Marcelino sa kanyang counter-affidavit, noon pa man, mainit na ang dugo ni Cacdac simula nang umupo ito bilang pinuno ng PDEA.
Ayon naman sa abugado nito na si Atty. Dennis Manalo, dismayado ang kanyang kliyente sa pamahalaan dahil agad itong hinusgahan bilang sangkot sa iligal na droga.
Samantala, dinepensahan naman ni Anti-Illegal Drugs Group legal and Investigation Division chief Roque Merdeguia si Cacdac sa isyu ng iringan umano nito at ni Marcelino.
Paliwanag nito, hiningi pa ni Cacdac ang Case Operation plan o ‘co-plan’ ni Marcelino na makapagpapatunay sana kung bakit ito nasa lugar ng shabu warehouse nang salakayin ito ng PDEA.
Ngunit nang hindi ito naiprisinta ni Marcelino, walang nagawa si Cacdac at ang AIDG kung hindi arestuhin ito.