Pinamamadali ni House Majority leader at Leyte Rep. Martin Romualdez sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pagbili ng equipment para ma-upgrade ang pag-monitor nila sa mga kalamidad tulad ng pagsabog ng bulkan, lindol at tsunami.
Ginawa ni Romualdez ang panawagan, matapos ang reklamo ng mga residente ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (CALABARZON) sa mabagal na babala sa kanila kaugnay sa phreatic explosion ng bulkang Taal noong Linggo.
Nilinaw naman ng majority leader na hindi nila sinisisi ang Phivolcs sa mabagal na babala sa impact ng pagsabog.
Subalit ito anya ang dahilan kaya naglaan ang kongreso ng mahigit sa P221.48 milyon capital outlays sa P588.12 milyon total budget ng Phivolcs para sa 2020 para makapag-upgrade sila ng mga kagamitan sa pag-monitor at warning program sa mga volcanic eruption, lindol at tsunami.
Nauna ng sinabi ng Phivolcs na marami silang nasirang instrumento na nakalagay mismo sa main crater ng bulkang Taal.
Kabilang sa mga nasirang equipment ay IP camera, seismometer, pangsukat ng gas at iba pa.