Mga negosyanteng masasangkot sa hoarding ng face mask ipapa-raid ni Pangulong Duterte

No choice si Pangulong Rodrigo Duterte na utusan ang mga otoridad na pasukin ang bodega ng mga negosyanteng masasangkot sa hoarding ng face mask sa bansa.

Pahayag ito ng pangulo sa gitna ng ulat na nagkakaubusan na ng face mask sa merkado dahil sa pag-aalburuto ng Bulkang Taal.

Ayon sa pangulo, ayaw niyang pinagsasamanatalahan ng mga negosyante ang ordinaryong mamayan lalo na sa gitna ng kalamidad.

Kasabay nito, inatasan na ng pangulo ang Department of Health (DOH), mga pulis at sundalo na mamahagi ng libreng face mask sa mga residenteng apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Una rito sinabi ng pangulo na nais niyang makontrol ang presyo ng face mask matapos maiulat na naging triple na ang halaga nito matapos ang pagsabog ng Bulkang Taal.

Ayon sa pangulo, nakahanda rin ang pamahalaan na maglabas ng karagdagang pondo para matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong residente.

Samantala bagamat nagsagawa na ng aerial inspection kahapon, bibisitahin pa rin ngayong araw ni Pangulong Duterte ang mga apektadong residente sa Batangas.

Ayon sa pangulo, pipilitin niyang makaikot sa mga lugar na naapektuhan ng pagsabog ng bulkan.

Read more...