BREAKING: Bulkang Taal, itinaas na ng Phivolcs sa Alert Level 4

Itinaas na ng Phivolcs ang Bulkang Taal sa Alert Level 4 (hazardous eruption imminent).

Sa abiso ng Phivolcs bandang 7:30 ng gabi, tumindi pa ang eruptive activity ng bulkan bandang 5:30 ng hapon.

Dahil dito, umaabot na sa 10 hanggang 15 kilometro ang taas ng steam-laden tephra column na may kasamang volcanic lightning.

Bunsod nito, umabot na ang nararanasang ash fall sa Quezon City.

Dagdag pa ng Phivolcs, patuloy pa ring nakakapagtala ng volcanic tremor simula 11:00 ng umaga at dalawang volcanic earthquake na may lakas na magnitude 2.5 at magnitude 3.9 sa Tagaytay City at Alitagtag, Batangas.

Posible anilang tumagal ang explosive eruption sa mga susunod na oras o ilang araw.

Mahigpit na ring ipinapatupad ng Phivolcs ang total evacuation sa Taal Volcano Island at karagdagang evacuation area bunsod ng panganib sa pyroclastic density currents at volcanic tsunami sa loob ng 14-kilometer radius mula sa main crater ng bulkan.

Pinayuhan din ang Civil Aviation authorities na abisuhan ang mga aircraft na iwasan ang airspace sa paligid ng Bulkang Taal dahil sa ibinubugang airborne ash at ballistic fragments.

Tiniyak ng ahensya na patuloy nilang tututukan ang sitwasyon ng nasabing bulkan.

Read more...