Papel ng US sa mga police operations, kinuwestyon ng Senado

Inquirer.net photo
Inquirer.net photo

Hindi sakop ng Visiting Force Agreement (VFA) ang pagkakaroon ng papel ng pamahalaan ng Estados Unidos sa mga law enforcement operations ng Philippine National Police partikular ng Special Action Force (SAF).

Sa pagdinig ng senado sa Mamasapano encounter, sinabi ni Enrile na dapat ipaliwanag ng gobyerno kung bakit napapayagan ang partisipasyon ng US sa mga police matter. “This is something the government must explain—why allow a police matter to include US participation. I’m not saying I’m correct but this has to be looked at,” sinabi ni Enrile.

Ayon kay Enrile sa kaniyang pagkakaalam, ang military lamang ang nasasakupan ng kasunduan sa ilalim ng VFA at hindi nito sakop ang mga police operations gaya ng Oplan Exodus.

Bago ito, tinanong ni Enrile si dating SAF chief Getulio Napeñas kung anong tulong ang naibigay ng US at kung hanggang saan ang partisipasyon nito sa operasyon laban sa international terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.

Paliwanag ni Napeñas, sa pamamagitan ng Joint Special Operations Task Force-Philippines (JSOTF-P) na nakabase sa Zamboanga City, tumulong aniya ang US government sa SAF hinggil sa “real-time intelligence support, training, equipment, humanitarian support, medical evacuation, at imbestigasyon.

Partikular na pumasok aniya ang US sa imbestigasyon nang suriin nila ang daliri na nakuha kay Marwan para matukoy kung tutugma ito sa DNA ng kaniyang kapatid.

Read more...